Aabot sa 1,736 bags ng hybrid rice seeds na nagkakahalaga ng Php8,680,000 ang ipinamahagi sa mga magsasaka sa Mangaldan, Pangasinan, nito lamang Martes, Oktubre 22, 2024 sa Farmers’ Training Center.
Bunga ito ng pakikipag-ugnayan ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO) sa Department of Agiculture (DA) na siyang pinanggalingan ng mga suplay ng binhi na ipinamahagi sa mga magsasaka.
Sa mensahe ni Mayor Bona Fe De Vera Parayno na ipinarating ni Mr. Samuel Soriano, Community Affairs Officer Designate, panata ng alkalde ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para makasungkit ng mga programa at proyektong malaki ang pakinabang sa mga magsasaka.
Pinangasiwaan naman ng MAO ang aktuwal na pamamahagi ng mga binhi sa mga magsasaka katuwang ang Mangaldan Farmers and Irrigators Association sa pamumuno ni Mr. Sonny Soriano.
Ayon kay Merle Sali, Municipal Agriculturist, bukod sa binhi, nagpapamahagi rin ang DA ng libreng abono para matiyak ang maayos at mabilis na paglago ng mga pananim ng mga magsasaka.
Samantala, hinikayat naman ni Manuel S. Aquino, Agricultural Technologist, ang mga magsasaka na i-apply sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang kanilang mga pananim para magkaroon ng libreng insurance coverage.
Nagpapasalamat naman ang mga magsasaka sa ipinaabot ng mga kawani ng gobyerno dahil dito ay kahit papaano kanilang mababawi ang mga napinsala nilang mga pananim noong mga nakaraang kalamidad.
Source: PIO Mangaldan LGU