Bilang tugon sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Julian, namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga water filtration kits, financial assistance, at family food packs (FFPs) sa mga residente ng Batanes noong ika-4 ng Oktubre 2024.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng tulong sa kanilang pagbisita sa lalawigan kasama si DILG Secretary, Benhur Abalos.
Ang mga water filtration kits na ipinamahagi ay may kakayahang magbigay ng ligtas na inuming tubig para sa 100 katao bawat araw, na malaking tulong upang matugunan ang pangangailangan sa malinis na tubig matapos ang hagupit ng bagyo. Bukod dito, bawat pamilyang apektado ay nakatanggap din ng Php3,000 na tulong pinansyal sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) Program ng DSWD.
Ipinahayag naman ni Pangulong Marcos Jr. ang paglalaan ng karagdagang Php25 milyon na pondo mula sa kanyang tanggapan bilang dagdag na tulong sa mga nasalanta. Ipinag-utos din niya ang patuloy na pagbibigay ng FFPs at karagdagang cash assistance upang matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga residente habang bumabangon mula sa pinsala ng bagyo.
Sa pamamagitan ng agarang pagtugon ng pamahalaan sa ganitong sitwasyon, partikular ng DSWD, ay natutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan ng Batanes sa pagkain, tubig, at pinansyal na suporta. Ang patuloy na koordinasyon ng lokal at pambansang pamahalaan ay nagsisiguro na ang rehabilitasyon ng lalawigan ay magiging mabilis at maayos, at walang pamilyang maiiwan sa proseso ng pagbangon mula sa kalamidad.
Source: DSWD Region II