Ipinagkaloob ng Provincial Government of Cagayan (PGC) ang tulong pinansyal sa mga nagbalik-loob na tatlong regular na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isinagawang awarding ceremony sa Conference Hall, Capitol Main Building, Tuguegarao City nitong Huwebes, Oktubre 3, 2024.
Batay sa datos ng PSWDO, ang tatlo ay nakatanggap ng tig Php40,000 na maaari nilang magamit sa pagbabagong buhay sa mapayapang paraan.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Governor Manuel Mamba, Regional Peace and Order Council (RPOC) Chair, katuwang ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO) at pamunuan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Sa naging mensahe ni Governor Mamba, inihayag nito na malaki na ang naging pagbabago ng probinsiya at dapat magpokus sa malaking development sa usapin ng insurhensiya sa probinsya.
“Ang klase ng gobyerno depende kasi sa klase ng liders, habang nagde-dedetoriate ang klase ng lider, nagde-deteriorate rin ang klase ng gobyerno,” saad ni Gov. Mamba. Kanya ring inihayag ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga nagnanais magbalik sa gobyerno upang magbagong buhay.
“Sana mabigyan natin ng solusyon ang mga problema ng insurgency dito sa atin, the best to antidote against insurgency is good governance coming from good leaders,” pahayag ni Gov. Mamba.
Kasabay ng pagbabalik-loob sa gobyerno ay boluntaryo ring isinuko ng mga former rebels ang kanilang mga hawak na baril, bala, magazine, at ilang pampasabog.
Samantala, nagpasalamat naman si PCol Mardito Anguluan, Provincial Director ng Cagayan PPO sa pamunuan ni Gov. Mamba dahil sa kanyang suporta sa mga dating miyembro ng makakaliwang grupo, malaking bagay umano ito upang matulungan ang mga dating miyembro na minsan ay naligaw ng landas.
Nanawagan din ang mga opisyal sa mga natitira pang miyembro ng armadong grupo na sumuko na sa pamahalaan at mamuhay ng tahimik.
Source: Cagayan Information Office