Matagumpay na isinagawa ang programang Free Processing of Legitimation ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos na ginanap sa City Conference Hall, Alaminos City nitong ika-18 ng Setyembre 2024.
Ang programa ay dinaluhan ng 43 na mag-asawa na benepisyaryo rin ng libreng kasal mula sa lokal na pamahalaan. Sa pamamagitan ni Konsehal Atty. Walter M. Macaiba, ipinaabot ng alkalde ang kanyang taos-pusong pagsuporta sa programa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng legal na pagkilala sa pamilya upang masiguro ang isang mas matatag na kinabukasan para sa mga Alaminian.
Bukod sa proseso ng legitimation, isinagawa rin ang PhilSys National ID Registration, katuwang ang Civil Registry Office at ang Philippine Statistics Authority.
Ang pamahalaang lungsod, sa pamumuno ni Mayor Celeste, ay patuloy sa pagsusumikap na maghatid ng mga programang magpapaunlad at magpapatatag sa bawat pamilya sa Alaminos. Layunin ng mga programang ito na magbigay ng legal na katiyakan at mas magandang hinaharap para sa mga pamilyang Alaminian.
Panulat ni Manlalakbay