Nagsagawa ng pagpapalawak na implementasyon ng Walang Gutom Program (WGP) ang Department of Social Welfare and Development 2 sa mga bayan ng Cabagan at Tumauini, Isabela, noong ika-18 at 19 ng Hulyo 2024.
Ang WGP o dating kilala bilang Food Stamp Program, ay ayon sa Executive Order No. 44 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kung saan layunin nitong labanan ang kagutuman sa bansa.
Motibo rin ng programa na magkaroon ng wastong nutrisyon ang bawat miyembro ng pamilya, sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga masusustansyang pagkain.
Tinatayang nasa 114 na benepisyaryo mula Tumauini at 137 mula sa Cabagan, ang nabigyan ng kanilang mga Electronic Benefit Transfer (EBT) Cards na naglalaman ng tig-tatlong libong piso.
Ang EBT Cards ang ginamit ng mga benepisyaryo upang kunin at mamili ng kanilang mga pagkain mula sa mga piling tindahan.
Laking pasalamat naman ng mga benepisyaryo sa tulong na natanggap. Ayon kay Pablo Datul, 84 taong gulang, isang residente sa Cabagan, “Mabbalo DSWD. Dakadakal yaw nga uffun nga neyawa nu niyakan. Lakalakay na ngana anna nakafi na ngana yatun ta mappabalo na ta egga uffun nga innanamak ku nikamu para ta familia” (Salamat DSWD. Malaking tulong itong binigay niyo. Nagpapasalamat pa rin ako kasi kahit matanda na ako, mayroon pa rin akong pagkukuhanan ng makakain ng pamilya ko.)
Matatandaan na noong Pebrero, nagsimula ang pilot launching ng programa sa San Mariano, Isabela. Bilang dagdag tulong sa iba pang mga Pilipino, minabuti ni Pangulong Marcos at DSWD Seretary Rex Gatchalian na palawakin pa lalo ang sinasakupan ng programa.
Dalawa lamang ang Cabagan at Tumauini sa mga napiling munisipalidad na makakatanggap ng tulong mula sa WGP. Inaasahan na ilan pang mga munisipalidad sa rehiyon ang mabibigyan ng tulong ng programa.
Source: DSWD Region 2