Natupok ng apoy ang tinatayang mahigit kumulang Php5 milyong halaga ng ari-arian na agad namang nirespondehan ng mga awtoridad sa Pacdal, Baguio City nito lamang ika-12 ng Hulyo 2024.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection-Baguio, nagsimula ang sunog bandang 8:30 ng gabi at idineklara ang fire-out bandang 10:43 PM.
Samantala, isang lalaking 48 anyos at empleyado ng isang pribadong kompanya ang nasawi dahil sa nasabing sunog.
Ayon sa mga concerned citizen, humingi pa ito ng tulong sa mga kapitbahay at tinulungan ang kanyang mga kasama sa bahay. Ngunit sa kasamaang palad, hindi na ito nakalabas pa dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy.
Iniulat din na nasa mabuti nang kalagayan ang apat pang indibidwal at nakatanggap sila ng tulong mula sa City Social Welfare and Development Office at Department of Social Welfare and Development.
Patuloy naman ang paalala ng PNP na alalahanin ang mga fire precautionary measures upang maiwasan ang ganitong pangyayari.