Ang Apayao ay opisyal nang kinilala bilang ika-apat na biosphere reserve ng Pilipinas matapos itong ituring ng UNESCO bilang isang “science for sustainability support site,” na nagsisilbing “learning site” para sa mga usaping pangkaunlaran na pangkalikasan.
Ang Apayao ay sumali sa hanay ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro (1977), Palawan (1990), at Albay (2016) bilang mga biosphere reserve ng bansa.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Rebecca Mamba, inaasahang mas maraming turista ang maaakit na bumisita sa lalawigan dahil sa bagong pagkilalang ito.
Bukod sa Apayao, 19 pang lugar mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang idinagdag sa UNESCO network ng mga protektadong biosphere nature reserves.
Kabilang dito ang mga lugar sa Algeria, Canada, Ghana, Haiti, India, Indonesia, Iran, Italy, Kazakhstan, Madagascar, Mexico, Morocco, Peru, Portugal, Tanzania, at United Kingdom.