Nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang 187 na magsasaka ng mais sa lalawigan ng Cagayan nito lamang Hunyo 6, 2024.
Ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa, nabigyan ng tig-Php1,000 financial assistance ang mga corn farmer na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad tulad ng bagyo at baha sa probinsya.
Ang distribusyon ay isinagawa ng OPA sa mga bayan ng Buguey, Sta. Teresita, Lal-lo, Pamplona, Lasam, Abulug, Allacapan, Amulung, Enrile, at Solana.
Matatandaan na napagkalooban na ng kahalintulad na tulong ang iba pang magsasaka ng mais sa iba pang mga bayan sa Cagayan nitong nakaraang buwan ng Mayo.
Kaugnay dito, tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng PGC sa pagnanais ni Governor Manuel N. Mamba na hindi napapabayaan ang sektor ng magsasaka sa Cagayan lalo na sa mga hindi inaasahang kalamidad.
Source: Cagayan PIO