Nagtapos ang limampu’t tatlong (53) Pangasinense mula sa Alaminos City at bayan ng Sual para sa limang araw na ‘Employability Enhancement Program-Basic Sewing Training,’ nito lamang ika-9 ng Setyembre 2022.
Ginanap ang aktibidad sa Opag Building San Jose Drive, Poblacion, Alaminos, Pangasinan na dinaluhan ni Governor Ramon Mon-Mon Guico III bilang panauhing pandangal.
Dumalo rin sina 1st District Representative Arthur F. Celeste, Alaminos City Mayor Arth Bryan C. Celeste, 1st District Board Member Apple Bacay, Sual Vice Mayor John Christopher Arcinue, Acting TESDA-Pangasinan Provincial Director Cresencia Boac at Alaminos City PESO Manager Eleanor Bruno.
Ang naturang training ay isinagawa ng Provincial Employment Services Office (PESO) sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Pamahalaang Lungsod ng Alaminos at Archer Manpower Services, Inc.
Ito ay handog ng Pamahalaang Panlalawigan na naglalayong mabigyan ng kasanayan ang mga out-of-school youth, mga kababaihan, mga walang hanapbuhay at displaced OFWs upang magkaroon ng disenteng pagkakakitaan.
Source: LGU Alaminos City