Nagdagdag pa ang Incident Management Team (IMT) ng 52 rescuers na pinadala sa bayan ng Gonzaga at Sta. Ana para magmonitor sa sitwasyon sa lugar sa banta ng bagyong “Betty”.
Ayon kay Zenart Villamar, Incident Commander ng IMT, kabilang sa mga ipinadala ang tig-limang personnel mula sa TFLC Medic 4 at Wasar 4, tig-anim sa TFLC Evac 4 at Bureau of Fire Protection (BFP), tig-sampu sa 77th Infantry Battalion Philippine Army, Marine Battalion Landing Team 10 at 203rd Regional Mobile Force Battalion Philippine National Police.
Sinabi ni Villamar na nagdagdag ng pwersa ang kanilang team sa mga nabanggit na bayan matapos makapagtala ng evacuees, kagabi, May 28, 2023.
May nauna nang napadala ang IMT na 31 rescuers sa kaparehong bayan para bantayan ang lagay ng panahon sa lugar at makapagresponde kung kinakailangan.
Bukod sa mga nabanggit na bayan, nakatutok din ang mga naipadalang team sa baybaying sakop ng Sta Teresita.
Batay sa monitoring ng PAGASA (as of 11 AM, May 29, 2023) kabilang ang bayan ng Sta Ana at Gonzaga sa probinsya ang itinaas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 dahil sa Bagyong “Betty”.
Source: Cagayan Provincial Information Office