Tinatayang nasa 5,133 residente mula sa Echague, Isabela at mga kalapit na bayan ang benepisyaryo ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan noong ika-15 ng Marso 2024 sa pre-event ng Laboratoryo, Konsulta at Gamot para sa Lahat (LAB for All) na ginanap sa Echague Evacuation Center, Echague, Isabela.
Suportado ng iba’t ibang mga medical team ang nasabing programa sa buong Rehiyon Dos, kabilang na rin dito ang Bureau of Jail Management and Penology Medical Team at Philippine National Police Medical Team.
Samantala, namigay din ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sa pangunguna ni Gobernador Rodito T. Albano III at Bise Gobernador Faustino āBojieā G. Dy III ng limang karaniwang wheelchair at isang pediatric wheelchair.
Kabilang naman sa programa ang pagbibigay ng mga diagnostic test tulad ng kumpletong bilang ng dugo, pagsusuri sa ihi, random na pagsusuri sa blood sugar, pagsusuri sa profile ng lipid, pagsusuri sa urea nitrogen ng dugo, pagsusuri sa creatinine, pagsusuri sa kolesterol at dental procedures. Kasama rin dito ang serbisyo ng mobile X-ray, electrocardiogram, at ultrasound.
Maliban pa dito ay nakatanggap din ang mga kalahok ng libreng salamin sa mata.
Ang pangunahing caravan sa lalawigan na pangungunahan ni First Lady Louise Araneta-Marcos, ay nakatakdang isagawa naman sa City of Ilagan Community Center sa Marso 19, 2024. Sa ngayon, layunin ng Lab for All Caravan ng Isabela na ilapit ang libreng serbisyo sa mga mamamayan na kapos sa buhay, gayundin ang pagkakaroon ng magandang ugnayan sa komunidad.
Source: Isabela PIO