19.6 C
Baguio City
Sunday, January 19, 2025
spot_img

$40 Million Battery Manufacturing Plant, itatayo sa Bayan ng Bayambang, Pangasinan

Itatayo ang Battery Manufacturing Plant na nagkakahalaga ng $40 Million sa Bayan ng Bayambang, Pangasinan nitong ika- 29 ng Hunyo 2022.

Ang Strategic Alliance Holdings Incorporated na kasalukuyang nakabase sa bayan ng Bayambang, Pangasinan ay lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa US based na GR8 Sea Holdings Incorporated/ GR8 Eco Solutions Corporations para sa pagpapatayo ng isang planta ng pagawaan ng battery cell sa nasabing bayan.

Ang battery manufacturing plant ay inaasahang magbibigay ng kabuhayan at magpapalakas ng ekonomiya sa bayan ng Bayambang.

Ayon sa talumpati ng bagong halal na Alkalde ng Bayambang na si Mary Clare Judith Phyllis Quiambao noong Inaugural ceremony, malugod na tinatanggap ng pamahalaang bayan ng Bayambang  ang mga nasabing investors. “Dahil kapag maraming negosyo, maraming trabaho at kapag maraming trabaho, maraming oportunidad sa progreso”, aniya.

Samantala, sinabi ng bagong halal na Gobernador ng Pangasinan na si Ramon Guico III na ang pag-imbita ng mas maraming investors sa lalawigan, gayundin ang paglikha ng mas maraming economic zone ay bahagi ng kanyang agenda sa kanyang unang termino.

Ayon din kay Gov. Guico, “We will open doors for domestic and foreign trade and establish trade agreements.”

Dagdag pa niya, isang espesyal na tanggapan para sa pamumuhunan at promosyon ng lalawigan na isinasaalang-alang ang pinakamahusay na mga kasanayan sa pagnenegosyo tulad ng pagkakaroon ng mga One-Stop-Shop na sentro ng negosyo, pag-iwas sa red tape, at posibleng pagbibigay ng mga insentibo at benepisyo sa buwis ay malilikha din.

Ang pagpirma ng MOA ng mga kinatawan ng Strategic Alliance Holdings Incorporated at GR8 Sea Holdings Incorporated/GR8 Eco Solutions Corporations ay isinabay din sa inaugural ceremony ni Governor Guico.

Batay sa nilagdaang MOA, ang dalawang kompanya ay maglalagay ng mga commercial facilities sa limang ektaryang lupa para sa pagmamanupaktura at pagbuo ng mga battery energy storage system. Ang MOA ay magtatagal ng isang taon mula sa petsa ng pagpirma ng dalawang kompanya.

 Source: Philippine News Agency

 https://www.pna.gov.ph/articles/1177916

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
55SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles