Ipinatutupad na ng Pamahalaang Panlalawigan ng La Union ang apat (4) na araw kada linggong trabaho na nagsimula noong Abril 18 at magtatapos sa Hunyo 3.
Ayon kay Miss Zeny Aspiras, Supervising Administrative Officer, Human Resource Management Officer ng Provincial Administrator, saklaw ng four-day work scheme and lahat ng empleyado ng Provincial Government maliban sa medical field, rescue team, revenue collection at custodial services tulad ng mga security guard, librarian, at mga nakatalaga sa border checkpoint.
Samantala, ang mga empleyado ng Provincial Government ng La Union, maliban sa mga nasa disaster, medical at custodial services, ay kailangang magtrabaho mula alas- 7 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon para makompleto ang 40- hour kada linggong requirements ng Civil Service Commission.
Ayon pa kay Miss Aspiras, ang work scheme na ito ay dulot ng pagtaas ng presyo ng petrolyo. Ito ay paraan upang matulungan ang mga empleyado ng Provincial Government na makatipid sa kanilang araw-araw. Maliban dito, isa rin itong paraan upang maiwasan ang sobrang exposure at mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lugar.
Ang publiko ay naabisuhan na rin sa nasabing bagong work scheme ng lalawigan kung saan ito ay magiging Lunes hanggang Huwebes na lamang ang transaksyon.
Ang pagkakaroon ng bagong work scheme sa Provincial Government ng La Union ay magbibigay daan upang ang mga empleyado ay magkaroon ng mas maraming oras para sa pamilya.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1172950