Inihayag ng Department of Science and Technology (DOST) sa 33 estudyante sa kolehiyo ng Pangasinan ang kwalipikado sa Junior Level Science Scholarship (JLSS) Program ng DOST Science Education Institute (SEI).
Ayon kay Madam Bernalyn Martinez, Project Assistant II ng DOST Pangasinan, sa 178 examinees na kumuha ng qualifying exam noong August 27, 2022, 33 lamang ang kwalipikado at ang mga ito ay makakatanggap ng dalawa hanggang tatlong taong benepisyo depende sa kanilang kurso.
Ang JLSS program ay nahahati sa tatlong kategorya ng scholarship program gaya ng Republic Act (RA) 7687 o ang Science and Technology Undergraduate Scholarship Program, RA 10612 o Act Expanding the Coverage of Science and Technology Scholarship at ang DOST- SEI Merit Scholarship program.
Ang kwalipikadong mag-aaral na mag-aavail ng scholarship ay makakatanggap ng prebilehiyo tulad ng Php7,000 buwanang stipend, Php10,000 learning materials at connectivity allowance at iba pang allowances na sumasaklaw sa transportasyon, thesis at graduation fee pati na rin ang tuition fee na nagkakahalaga ng Php40,000 kada taon para sa mga naka-enroll sa pribadong kolehiyo o unibersidad.
Ang mga iskolar ay kinakailangan na magbigay ng serbisyo sa bansa, lalo sa Rehiyon Uno kung saan sila nakatira, sa loob ng panahong kanilang tinamasa ang scholarship.
Ayon kay Ma’am Martinez, ang nasa ilalim ng RA 10612, na sumusuporta sa K to 12 program, ay magsisilbing mga guro sa Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) sa alinmang pampubliko o pribadong high school sa bansa kapag ang mga iskolar ay nakapagtapos.
Ang programa ng JLSS ay naglalayon na tiyakin ang isang matatag, sapat na supply ng mga kwalipikadong Science and Technology human resources na maaaring gumabay sa ating bansa tungo sa pag-unlad.
Source: PIA Pangasinan