Nakatanggap ng tulong pinansyal ang 31 na Former Rebels (FR) sa lalawigan ng Cagayan na mula sa bayan ng Buguey, Baggao, Rizal, Sto. Niño, Sta. Teresita at Sta. Ana noong Enero 30, 2023.
Ang naturang tulong ay mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC) na ipinagkaloob sa mismong tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pangunguna ni PSWD Officer Helen Donato. May kabuuang Php278,000 ang naipamahagi sa mga FR sa ilalim ng programa ng PGC na “Educational Assistance for Children of FRs” na inisyatibo mismo ng ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba kung saan kada taon ay mabibigyan ng tulong pinansyal ang bawat anak ng mga FR na nag-aaral mula Elementarya hanggang Kolehiyo.
Ang tulong pinansyal na naipamahagi sa mga FR ay para sa school year 2022-2023 na kung saan umabot na sa 76 na mga anak ng FR ang napagkalooban ng tulong na may halagang Php3,000 ang para sa mga nag-aaral sa Elementary, Php4,000 sa Grade 7-12, at Php5,000 naman sa mga anak nilang nag-aaral sa kolehiyo.
Pagkatapos ng school year ay bubuksan muli ng PSWDO ang aplikasyon para naman sa school year 2023-2024. Layunin ng programa na matulungan ang mga FR na mapabuti ang kanilang pamumuhay at maipadama na ang gobyerno ay kanilang katuwang upang magkaraoon ng maayos na buhay.
Source: Cagayan Provincial Information Office