Positibo sa drug testing ang tatlo (3) sa kabuuang isandaang bus station personnel ng ilang mga kumpanya ng bus na bumibyahe sa lalawigan ng Cagayan na sumailalim sa random drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO2 kamakailan.
Ayon sa PDEA RO2, sinibak na ang tatlong bus station personnel at inirekomenda ang mga ito sa rehabilitation.
Kaugnay ng programang Oplan Balik Eskwela 2023 ng PDEA RO2, kanilang sinuyod ang mga istasyon ng bus sa lungsod ng Tuguegarao upang magsagawa ng sorpresang drug testing sa mga bus station personnel ng mga pampublikong bus na bumibyahe papasok at palabas ng lalawigan.
Ayon pa sa PDEA RO2, maayos namang nakipagtulungan sa kanila ang management ng mga bus company at ipinasuri ng mga ito ang kanilang mga driver.
Nagsagawa rin ng pagsisiyasat ang mga drug sniffing dog ng PDEA sa mga istasyon ng bus at sa mga kargamento ng mga pasahero ngunit negatibo ang mga ito sa droga.
Ang Oplan Balik Eskwela ng PDEA ay isang programa ng ahensya para masiguro ang kaligtasan ng mga mananakay ng mga pampublikong sasakyan at upang makaiwas ang mga ito sa mga drug related accident sa kalsadahan.
Lubos namang pinuri ni PDEA RO2 Director, Levi Ortiz ang programa at sinabi nito na kaparehong programa ay isasagawa hindi lamang sa lungsod ng Tuguegarao kundi sa lahat ng istasyon ng terminal sa rehiyon.
Source: Cagayan Provincial Information Office