Umabot sa 21 na kaso ng pamamaril ang naitala ng Abra PNP sa buong Lalawigan ng Abra mula Enero 1 hanggang Abril 3, 2025.
Ayon sa datos ng COMELEC Cordillera, mula sa naitalang bilang ng insidente, isa ang kompirmadong election-related violence habang walo ang kasalukuyang inaalam kung posibleng may kinalaman sa nalalapit na halalan.
Dahil sa sunod-sunod na kaso ng pamamaril sa nasabing lalawigan, nagpatupad ang Cordillera Regional Peace Order Council ng isang pagpupulong na dinaluhan ng mga pangunahing opisyales mula sa Lokal na Pamahalaan ng Abra, COMELEC, PNP, AFP at iba pang hanay ng gobyerno upang mapag-usapan ang magandang hakbangin upang mabawasan o matigil ang kaso ng pamamaril.
Sa nasabing pagpupulong, hiniling ng mga otoridad ang pakikiisa at tulong ng mga kandidato sa pagpapatupad nang mapayapa at ligtas na pangangampanya at sa araw ng halalan.
Dagdag pa ng COMELEC, nangako din ang mga kandidato na sumunod sa alituntunin at patakaran ng Commission on Election sa kanilang pangangampanya upang maging mapayapa at maayos ang nalalapit na halalan.
Samantala, naka alerto naman ang hanay ng PNP at iba pang Law enforcement agencies sa pagpapatupad ng kapayapaan, kaligtasan at kaayusan hindi lamang sa Lalawigan ng Abra pati na rin sa buong rehiyon ng Cordillera.