Tumanggap ng Core shelter mula sa Department of Social Welfare and Development – Cordillera Administrative Region (DSWD-CAR) ang 20 pamilya sa Barangay Caneo, Bontoc Mt. Province nito lamang Enero 31, 2024. Ang naturang core shelter ay naiturn-over sa pamamagitan ng Disaster Response and Management Division (DRMD) sa pakikipagtulungan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) – Bontoc.
Ang mga benepisyaryo ay kabilang sa 79 na pamilyang naapektuhan sa natuklasan na tension crack sa bundok sa itaas ng residential areas sa Sitio Fabfey, Can-eo na nagdudulot ng panganib base sa Mining and Geosciences Bureau (MGB) 2023 assessment.
Ayon sa record, naunang itinurn-over ang 59 core shelter noong 2022, at ang Bontoc LGU ay nagbigay ng toilet bowls para sa pagtatayo ng mga comfort room, nag-donate ng mga eco-bricks na nagkakahalaga ng ₱250,000.00, at naglaan rin ng karagdagang pondo na nagkakahalaga ng ₱240,000.00 para sa pagkumpleto ng nasabing core shelters.
Dagdag pa rito, kabuuang ₱5,530,000.00 ang nai-turn over ng DSWD sa Can-eo Neighborhood Association for Shelter Assistance (NASA) noong 2014. Samantala, sinabi ni OIC Division Chief Marifil Jugal ng DSWD-CAR DRMD na kumakatawan sa Regional Director Concurrent OIC-Regional Director (RD) at Assistant RD for Operations Enrique H. Gascon Jr., na ang tagumpay ng core shelter project ay sumasalamin sa diwa ng Og-ogfo sa ating komunidad.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Bontoc Mayor Jerome “Chagsen” Tudlong, Jr., ang kanyang lubos na pasasalamat sa DSWD-CAR sa kanilang patuloy na suporta sa munisipyo, at idinagdag na ang pagkumpleto ng nasabing proyekto ay isang patunay ng magandang epekto na ating makakamit kapag nagsanib-puwersa ang pamahalaan at komunidad.
Ang Core Shelter Assistance Program (CSAP) ng DSWD ay naglalayon na mabigyan ng environment-friendly at structurally strong housing units ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.