Pinabulaanan at nilinaw ni Cedric Casaño at Patricia Nicole Cierva, dating mga miyembro at opisyal ng East Front, Komiteng Probinsya Cagayan sa pulong balitaan nito lamang ika-2 ng Hunyo taong kasalukuyan na hindi sila sapilitang kinuha o dinakip ng mga militar.
Taliwas ito sa unang inilabas na pahayag ng ilang grupo katulad ng Karapatan Cagayan Valley at ang kanilang dating eskwelahan na University of the Philippines Manila (UPM) na sila ay dinakip o “captured alive” di umano ng hanay ng 501st Infantry Brigade sa Gonzaga, Cagayan.
Anila, sila ay kusang nagbalik-loob at sumama sa militar at pinatotohanan na sila ay nasa maayos na kalagayan na taliwas naman sa pahayag na sila umano’y minamaltrato.
Ayon pa kay Cedric, malaking bagay ang determinasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang 12 cluster nito dahil tila nawalan na ng rason upang ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa gobyerno.
Samantala, nakausap na rin umano ni Cedric at Patricia ang kanilang mga magulang.
Ayon pa sa dalawa, ang kanilang pahayag sa naganap na pulong balitaan sa Sub-Provincial Capitol, Lallo, Cagayan ay isang opisyal na tugon kaugnay sa kumakalat na impormasyon na sila ay dinakip at minaltrato ng militar.
Samantala, si Cierva ay nagtapos sa Degree in Development Studies ng UPM College of Arts and Sciences. Siya rin ay dating student council at Secretary General of Kasama sa UP.
Habang si Casaño naman ay nagsilbing coordinator ng Kabataan Partylist sa Isabela mula 2013-2015 at dating Philosophy student sa Polytechnic University of the Philippines.
Source: Cagayan PIO