Nagtapos ng 45-day Basic Citizen Military Training ang 190 civilian volunteers sa Mamba Gymnasium, Tuguegarao City noong Hulyo 13, 2022.
Ito ay binubuo ng 12 college graduates, 16 undergraduates, 4 vocational graduates sa ilalim ng TESDA, anim na ALS completers, 62 high school graduates, at isang elementary graduate na magsisilbi sa mga Cagayano bilang miyembro ng 201st Ready Reserve Infantry Battalion, 5th Infantry Division, Philippine Army.
Pinangasiwaan ng 2nd Regional Community Defense Group ang kanilang BCMT sa Division Training School sa 5th Infantry Division Headquarters, Upi, Gamu, Isabela.
Sinabi ni BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, na ang pagkakaroon ng mga civilian volunteer na handang maglingkod sa kanilang kapwa ay malaki ang tulong at importansya nito sa Philippine Army.
Dagdag niya, sumasaludo ang buong miyembro ng Philippine Army sa mga nagsipagtapos at hinikayat niyang magkapit-bisig sa paglilingkod at pagligtas sa bayan.
Magsama-sama, upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Cagayan.
Samantala, ang reserve force ay nagbibigay ng base para sa pagpapalawak ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sakaling magkaroon ng digmaan, pagsalakay, o paghihimagsik; tumulong at sumagip sa panahon ng mga sakuna at kalamidad; tumulong sa sosyo-ekonomikong pag-unlad; at tumulong sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga mahahalagang kagamitan ng pamahalaan o pribadong mga kagamitan sa pagsulong ng pangkalahatang misyon.
Source: 5ID Startroopers, Philippine Army